[ Other thesis/dissertation abstracts ]

Ang Edukasyon Bilang Instrumento ng Asimilasyon
Ang Kaso ng Lalawigan ng Kabite (1898 -1913)

Emmanuel Franco Calairo
Ph.D. History

Palma Hall Rm. 209
6 Oktubre 2003
9:00 a.m.

ABSTRAK

Sa pag-aaral na ito ay naniniwala ang mananaliksik na ginamit ng mga Amerikano ang edukasyon upang maisulong nila ang disenyo ng imperyalismong pangkulura. Kaugnay dito ang mga patakarang ginawa na naglalayong bigyan ng batayan ang kanilang pananakop sa ating bansa. Ang edukasyon sa panahong saklaw ng pag-aaral ay naging instrumento ng asimilasyon at pagkontrol upang ang mga Kabitenyo at ang lalawigan ng Kabite ay maging mapayapa at mahinto ang mga kilusang kumokontra sa pamahalaang Amerikano.

Sa kaso ng Kabite kung saan may kasaysayan ng pagtutol, ang imperyalismong pangkultura ay hindi kaagad naipatupad sapagkat kasama sa panlalawigang tradisyon ang sumalungat sa kolonyalismo. Gayunpaman, may mga bagay na nakatulong upang maipatupad ng mga patakarang edukasyunal sa Kabite tulad ng naging bahagi ng mga elit, pagkauhaw sa edukasyong liberal at ang kapaguran ng mga Kabitenyo sa matagal ng pakikipaglaban. Sa kabilang banda naman, ang mga bagay tulad ng topograpiya, panunulisan at epidemya ay negatibong nakaapekto sa implementasyon ng edukasyon sa Kabite.

Ang layunin ng asimilasyon at pagkontrol sa mga Kabitenyo mula 1898 hanggang 1913 ay higit na mauunawaan kapag iniangkop rito ang teorya ng edukasyon bilang imperyalismong pangkultura. Isang teoryang nagbibigay ng alternatibong interpretasyon sa kadalasang paniniwala na ang patakarang edukasyon ng mga Amerikano sa ating bansa ay isang "blessing" na dapat tanawin bilang utang na loob ng mga Pilipino sa mga Amerikano.

Sa pag-aaral na ito ay lumitaw na pinag-aralang mabuti ang bawat patakarang pang-edukasyon upang mapahinuhod ang mga Kabitenyo na tanggapin ang kolonyalismo.

Una, nagtatag ng mga paaralan sa iba't ibang panig ng Kabite upang mapatatag ang ugnayan ng pamahalaang insular sa mga rural na pook;

Ikalawa, nagdestino ng mga Amerikanong guro upang siyang nangalaga at naging gabay upang ang matutunan ng mga mag-aaral ay nakasalig sa layunin ng kolonyalismo;

Ikatlo, isinentro ang kurikulum sa wikang Inggles upang mabago ang konsepto ng mga mag-aaral mula sa pagiging makabayan tungo sa pagkilala ng kulturang dayuhan. Gayundin, binigyang diin ang mga kursong bokasyunal at sanayang manwal upang ihanda ang mga mag-aaral sa maaari nilang maging trabaho sakaling hindi nila matapos ang pag-aaral. Ito lamang ang epektibong paraan upang makatulong ang mga paaralan na magamit ang mga lokal na materyales tungo sa pagpapaunlad ng mga yamang likas at ang hindi lumaon na maramihang paggawa (mass production) ng mga produkto para sa konsumong pangnasyunal at internasyunal;

Ikaapat, binigyan ng diin ang paggawa ng mga gusaling pampaaralan sapagkat ito ang magsisilbing himpilan ng pamahalaang kolonyal sa mga bayan-bayan. Sa mga gusaling ito sinanay ang mga mag-aaral upang makaabot sa "standard" na inaasahan ng pamahalaang kolonyal;

Ikalima; Hindi lumaon, ang mga guro na sinanay ng mga gurong Amerikano ay higit na naindoktrinahan nang buksan ang mga vacation normal institutes sa Kabite. Sa pamamagitan nito ay higit na namonitor ng Kagawaran kung ang pagtuturo ng Pilipinong guro ay naaayon sa adhikain ng pamahalaang kolonyal. Ang unti-unting pagbawas ng bilang ng mga Amerikanong guro at ang pagtaas naman ng bilang ng Pilipinong guro ay indikasyon na maraming Pilipino guro na ang may kakayahang umako sa gawain ng mga Amerikanong guro tungo sa ikapagbabago ng kultura ng mga mag-aaral;

Ikaanim, upang maseguro ang imperyalismong pangkultura sa mga kabataan ay ipinatupad ang programang Pensionados. Sa pamamagitan ng programang ito ay napabilis ang indoktrinasyon sa mga kabataan. Sila ay pinabalik sa Pilipinas pagkatapos ng kanilang pag-aaral sa Estados Unidos upang maging katuwang sa operasyon ng pamahalaang kolonyal.

Ikapito, hindi magiging matagumpay ang mga ipinatupad na patakaran kung hindi nakipagtulungan ang mga lokal na pamahalaan at mamamayan. Dahil sa paniniwalang ang edukasyon ay repleksyon ng sistemang demokratiko ay bukas-loob na tinanggap ng mga Pilipino ang edukasyong Amerikano. Ito'y dahil na rin sa pagkauhaw ng mga Pilipino sa edukasyong liberal na ipinagkait di-umano sa panahon ng Kastila.

Ang lahat ng sangkap na ito ay nagpatibay sa pagpapatupad ng edukasyon na siyang kumumpleto sa imperyalismong pangkultura sa lalawigan ng Kabite.


 
 
Copyright © 1997-2003 UP College of Social Sciences and Philosophy.
Questions, comments and suggestions to the Webmaster.
Website credits.