home  about us  admissions  academics  resources  contact us

  [ Other thesis/dissertation abstracts ]

BALATIK:
Kalangitan Bilang Isang Saligan Ng Kabihasnang Pilipino

Dante L. Ambrosio
Ph.D. in History

April 2, 2003
2 pm
Balanghay (History Department)

Buod ng Disertasyon

Pinapaksa ng pag-aaral ang ugnayang kabihasnan-kapaligiran: kung paano hinubog ng katutubong kabihasnan ang larawan ng isang bahagi ng kapaligiran - ang kalangitan - at kung paano nag-ambag itong uli sa paghuhugis sa katutubong kabihasnan. Sinuri ang ugnayang ito sa pananaw at lapit na pangkasaysayan: binakas ang pinagmulang sinauna at prehispaniko ng mga pananaw, paniniwala, kaalaman at kaugalian ukol sa kalangitan habang ipinapakita ang mga pagbabago at pagpapatuloy ng mga ito hanggang sa kasalukuyan.

Nakabuo ang mga Pilipino ng isang kabang-yaman ng mga pananaw, paniniwala, kaalaman at kaugalian kaugnay ang kalangitan at ng mga penomena rito. Inilahad ang mga nabuong paniniwala at kaalaman ukol sa sandaigdigan, kalangitan, araw, buwan at bituin habang inihapag ang impluwensya ng mga ito sa pamumuhay, pag-iisip at pagkilos ng mga sinauna at kasalukuyang Pilipino.

Nabuo ang larawang-diwa ng sandaigdigan na maraming sapin at nagkakaugnay, buo at ispiritwal, maritimo at tropikal. Umaayon sa larawang-diwang ito ng sandaigdigan ang kalangitan ng mga Pilipino. Mag-anak ang isang larawang nabuo tungkol sa araw, buwan at bituin; ama ang araw, ina ang buwan at anak ang mga bituin. May kaalaman ang mga sinauna at kasalukuyang Pilipino sa tatlong galaw ng araw, sa pagbabago ng anyo at posisyon ng buwan at sa panahunang paglitaw ng mga bituin. Batid din nila ang ibang penomena na kaugnay ng mga ito gaya ng paghahalinhan ng araw o pamumula ng buwan kapag may eklipse.

Nagsilbi ang mga penomenang ito na patnubay at liwanag sa buhay ng mga Pilipino. Isa sa mga naging tagapagtakda ng ritmo ng kanilang buhay ang mga penomenang ito. Ayon sa mga nabuo nilang pananaw, paniniwala, kaalaman at kaugalian naging isang saligan ng pamumuhay, pag-iisip at pagkilos ang kalangitan at ang mga penomena rito gaya nang makikita sa kanilang mga ritwal at dasal, sistema ng pagpapanahon, paghahanapbuhay gaya ng pagkakaingin, pangingisda, pangangaso, at paglalayag, pagtatakda ng direksyon at pananagisag.


Copyright © 1997-2008 UP College of Social Sciences and Philosophy.
Collage developed from UP Artist's Circle Fraternity mural (1996).
Questions, comments and suggestions to the Webmaster.
Web Development and Design: Tina Calasanz.
Web Maintenance: Floyd Padilla.
Site last updated: August 2008. Credits.