Lakbayanihan:Gabi ng Tula, Awit, at Sayaw

Published on 08 November 2016

Bilang pakikiisa sa laban ng mga Lumad at Moro, nagsagawa ng isang programa/konsyerto ang UP Kabataang Pilosopo Tasyo sa pakikipagtulungan sa Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya, na pinamagatang “Lakbayanihan: Gabi ng Tula, Awit, at Sayaw” noong ika-19 ng Oktubre, 2016 kung saan nagtanghal ang ilan sa mga mag-aaral at guro ng Unibersidad. Dinaluhan din ito ng ilang mga Lumad na kalahok sa Kampuhan sa Diliman 2016. 

Nagsimula ang programa sa ganap na 6:00 ng gabi, kasabay ng pagdating ng mga Lumad mula sa Kampo nila sa CMO (Campus Maintenance Office) Grounds. Nagbigay ng maikling mensahe ang tagapag-ugnay ng kolehiyo sa Kampuhan sa Diliman 2016 na si Dr. Carlos P. Tatel, Jr., ang Tagapag-ugnay ng Folklore Studies Program. Matapos iyon ay nagsimula na ang mga pagtatanghal. Bilang parte ng programa, nagbahagi ng talento sa pag-awit sina Kawaksing Dekano para sa Usaping Pang-Akademiko, Dr. Ma. Theresa T. Payongayong; ang Tagapag-ugnay ng National Training Service Program (NSTP), Kat. Prop. Arlyn P. Macapinlac; at ang Tagapag-ugnay ng Service Learning, Outreach, Pahinungod (SLO-Pahinungod), Kat. Prop. 

Francisco Castro Rosario, Jr. Nagpakitang-gilas sa pagtugtog ng kulintang si Kat. Prop. Reginaldo Cruz, habang si Prop. Ferdinand Llanes ay nag-alay naman ng tula. Napuno nina Gyle Gavieres, Francis Bangoy, Mark Armas, Eric Verdolaga, Giro Alva, Therese Vilog, Leonard Burdeos, Bryan Santamaria, at ng iba pang nagtanghal ang gabi ng musika, at pinukaw nina Sergio Gabriel at Lakan Umali ang puso ng mga manonood gamit ang kanilang husay sa pagtula.

Matapos ang mga magtatanghal mula sa Kolehiyo at Unibersidad, nagbigay ng mensahe ang pangkalahatang pinuno ng proyekto na si Shaina Marie Santos upang magpasalamat sa mga dumalo at mag-iwan ng hamon upang ipagpatuloy ang pagtatanggol sa karapatan ng mga kapatid na Lumad at Moro. 

Winakasan ang programa sa pamamagitan ng isang pagtatanghal mula sa mga bisitang Lumad na nagpakita ng makabagbag-damdaming palabas na naglarawang sa kanilang dinanas na karahasan sa kanilang mga tahanan. 

 
Palma Hall, University of the Philippines Diliman, Quezon City | Telefax: (+63 2) 926 3486
Copyright 2014. All Rights Reserved.
College of Social Sciences and Philosophy | University of the Philippines Diliman