Matagumpay na Staff Conference 2018

Published on 19 July 2018

Kaligtasan ng kapaligiran mula sa sunog. Pagsagip at pagtulong sa mga biktima ng sakuna at iba pang kaganapan.  Pagtukoy at pagtugon sa mga panganib.  Maayos na pagganap sa mga gawain. 

Ang mga ito at iba pang tunguhin ng kaayusan at kaligtasan ang tinalakay ng mga kawani ng kolehiyo sa matagumpay na taunang Staff Conference na ginanap noong ika-2 at 3 ng Hulyo 2018 sa La Sueña Brisa Beach Resort sa Lemery, Batangas.  Naging tema sa kumperensiya ang "Ligtas at Matiwasay na Tahanan sa Pamantasan" at nagsilbing mga panauhing tagapagsalita sina Senior Fire Officer 1, Richard Andrew A. Roces, R.N. ng Quezon City Fire Department at Lauro W. Reyes, Jr., R.N. ng UP Health Service.  Sa kanilang pagtuturo, isinagawa ng mga kawani ang pag-apula ng sunog sa pamamagitan ng fire extinguisher, at inaral ang iba't ibang uri ng pagsagip sa mga biktima ng sakuna. 

Maliban sa mga panayam at workshop, naging maganda rin ang socials at barbecue night na nilahukan ng lahat, maging ang Zumba na pinangunahan nina Gng. Remy Pagador, Gng. Remy Jaca, at Gng. Agnes Balagtas.  Apatnapu’t lima (45) ang mga kawani at REPS na dumalo sa kumperensiya. Nagkaroon din ng maikling lakbay aral sa karatig bayan ng Taal bago tuluyang umuwi sa Diliman ang mga kasapi. 

Isinagawa ang kumperensiya ng Tanggapan ng Kawaksing Dekano para sa Administrasyon at Gawaing Panlabas, sa pangunguna ni Kaw. Dekano Filomin C. Gutierrez, kasama sina G. Rhonald Juanillo at Gng. Dolores Pernia.  Kasama rin ang tatlong kasapi ng kaguruan bilang mga facilitators, sina Kat. Prop. Jan Robert Go, Tagapag-ugnay ng Computer Laboratory; G. Jairus Espiritu, Tagapag-ugnay ng Tanggapan ng Usaping Pangmag-aaral; at G. Diego Magallona, Safety and Resiliency Coordinator.  Nakipagtulungan din sa paghahanda ang Socials Committee na binubuo nina Bb. Rosemarie Baluyot, Gng. Remy Pagador, G. James Lester Edrozo at G. Rhonald Juanillo. Naging kaagapay din nila ang Welfare Committee na binubuo naman nina Gng. Ma. Chona Tan, Gng. Dolores Pernia, Gng. Glenda Fugaban, Gng. Ma. Teresa Alberto, Gng. Edna Hernandez at Gng. Kelly Galamgam. Binanggit ni Dekano Abrera na tatalakayin sa mga susunod na linggo ang mga mungkahing lumitaw sa mga isinagawang workshop.

Si Senior Fire Officer 1, Richard Andrew A. Roces, R.N. habang nagbibigay kaalaman tungkol sa mga gawaing pangkaligtasan laban sa apoy.

 

Si Lauro W. Reyes, Jr., R.N. ng UP Health Service sa gitna ng isang demonstrasyon tungkol sa paunang lunas.

 

 

Mga kawani at REPs habang nagpapalitan ng pananaw at suwestyon para sa nakatakdang talakayan.

 

Pagsasanay sa tamang pag-gamit ng pamatay-sunog.

 

Ang mga dumalo sa 2018 CSSP Admin and REPs Workshop.

Palma Hall, University of the Philippines Diliman, Quezon City | Telefax: (+63 2) 926 3486
Copyright 2014. All Rights Reserved.
College of Social Sciences and Philosophy | University of the Philippines Diliman