Paglilibing at Moving On, pinaksa sa Tabi-tabi Folkloradyo!

Matagumpay na idinaos ang programa sa radyo ng CSSP na Tabi-tabi Folkloradyo nitong ika-15 ng Agosto 2016 sa DZUP studio, College of Mass Communication, UP Diliman. Pinangunahan ng mga host na sina Pareng Aaron (Hist) at Mareng Anna (Psych) ang paksa na Paglilibing at ang sikolohikal, historikal at kultural na dimensyon nito sa ating mga Pilipino. Sadyang napapanahon na talakayan kung saan mainit na pinag-uusapan ngayon ang napipintong paglilibing ng mga labi ni dating Pangulo Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Ito ba ay bahagi ng pag 'move on' at proseso ng pagpapatawad ng bayan? O pagpapaalala na may mga bagay na mahirap ibaon sa limot at bigyan ng biglaang konklusyon? Ang mga puntong ito ay tinalakay sa ika-46 na episode ng nasabing programa.

Ang Tabi-tabi Folkloradyo ay napakikinggan tuwing Lunes, 6-7 ng gabi, sa DZUP 1602 sa AM radio. Inihahandog ito ng CSSP sa pagtutulungan ng Folklore Studies Program, Philippine Studies Program, Aliguyon-UP Folklorists, Inc. at OADAA sa ilalim ng pamamatnubay ng Opisina ng Dekano.

Tandaan, ang lahat ng bagay -- Folklore!

 

Vigilantism at Lipunang Pilipino

Matagumpay na naidaos ang ika-45 na episode ng programa sa radyo ng CSSP na Tabi-tabi Folkloradyo nitong ika-1 ng Agosto 2016. Pinangunahan ng mga host na sina Jean Franco at Andoy Evangelista ang naturang pagsasahimpapawid ng talakayan kasama ang mga panauhin na sina Teacher Kristina Talusan, Prop Hannah Nario-Lopez at Ginoong Gino. Kasama rin sa studio sina Pareng Kaloy at Pareng Dong.

Malaman at mabunga ang talakayan na sumentro sa obserbasyon na tila dumarami ang pinaniniwalaang biktima ng summary executions at paglaganap ng vigilantism sa lipunang Pilipino sa kasalukuyang panahon. Gayundin, sinubukan na isakonteksto ang mga pangyayaring ito sa pag-unawa sa kinagisnang at tradisyunal na pamamaraan ng katarungan at pagtatagisan nito sa Kanluraning konsepto ng batas at hustisya na siya namang nais palaganapin at pairalin sa isang demokratikong lipunan tulad ng sa Pilipinas. Pinag-usapan din ang malalim na ugat ng suliranin sa droga na lumikha na ng kultura ng korapsyon at sumira sa sistema ng pamamahala at kaayusan sa bayan. Nabanggit na marahil ang mga nagaganap sa kapaligiran ay sintomas ng malalim na suliranin ng bayan at pagkakataon din unawain kung paano kumikilos at nag-iisip ang bayan.

Ang Tabi-tabi Folkloradyo ay napakikinggan sa DZUP 1602 tuwing Lunes, 6-7 ng gabi. Umaabot ang pagsasahimpapawid nito sa buong NCR sa AM radio at sa buong mundo via live streaming.

 

 

Death penalty at summary execution

Matiwasay na nairaos ang ika-44 na episode ng programa sa AM radio na Tabi-tabi Folkloradyo nitong ika-18 ng Hulyo 2016, 6-7 ng gabi.

Tinatalakay sa episode na ito ang mga mainit na isyu sa kasalukyan - death penalty at summary execution. Bahagi ng naging talakayan ang maikling kasayayan ng death penalty sa Piipinas at kung ito ba ay may batayang kultural at ginagawa na bago pa ang pagdating ng mga espanyol. At base sa naging panayam kay Dr. Vicente Villan ng Departamento ng Kasaysayan, ang death penalty ay bahagi na ng sistema ng hustisya sa Pilipinas bago pa ang mga espanyol. Sa kabilang banda, ang summary execution naman na nagaganap ngayon ay masasabing walang batayang kultural dahil ito ay ginagawa upang proteksyunan lang ang interes ng iilan na hindi sang ayon sa kinagawian o kagustuhan ng mga Pilipino na magbigay ng ginhawa sa pamilya at bayan.

Ang Tabi-tabi Folkoradyo ay napakikinggan tuwing Lunes, 6-7 ng gabi sa DZUP 1602 AM station. Ito ay nasa ilalim ng pamamahala ng CSSP at pinagtutulung-tulungan ng Folklore Studies Program, Philippine Studies Program, Aliguyon-UP Folklorists, Inc at ng Opisina ng Dekano at OADAA.

 

Buhay Pinoy Abroad

Idinaos ang ika-43 episode ng Tabi-tabi Folkoradyo! nitong ika-11 ng Hulyo 2016 sa DZUP station, College of Mass Communication. Pinaksa ng mga host na sina Pareng Kaloy at Pareng Dong, kasama ang panauhin na si Ginoong Ferdie Victoria, ang buhay-buhay ng Pinoy sa abroad partikular sa Jakarta, Indonesia. Si Ginoong Victoria, kasalukuyang naninirahan sa Jakarta at nagtuturo sa International School doon, ay dati ring nagturo ng kasaysayan sa UP Diliman at naging bahagi rin ng Foreign Service ng pamahalaan ng Pilipinas.

Ang Tabi-tabi Folkloradyo! ay itinataguyod ng CSSP sa pamamagitan ng pagtutulungan Folklore Studies Program, Philippine Studies Program at Aliguyon-UP Folklorists, Inc. at nasa ilalim ng pamamatnubay ng Opisina ng Dekana, CSSP. Mapakikinggan ang programa tuwing Lunes, 6-7 ng gabi sa DZUP 1602 AM radio.

 

 

Mabuting Pamamahala

Idinaos ang ika-42 episode ng Tabi-tabi Folkoradyo! nitong ika-4 ng Hulyo 2016 sa DZUP station, College of Mass Communication. Pinaksa ng mga host na sina Bing Mendoza at Mary Jane Rodriguez ang konsepto ng mabuting pamamahala sa konteksto ng mga unang linggo ng Duterte administration, sang-ayon na rin sa mga pahayag ng Pangulo lalo na sa kanyang talumpati nitong nakaraang inagurasyon noong ika-30 ng Hunyo 2016. Ang Tabi-tabi Folkloradyo! ay itinataguyod ng CSSP sa pamamagitan ng pagtutulungan Folklore Studies Program, Philippine Studies Program at Aliguyon-UP Folklorists, Inc. at nasa ilalim ng pamamatnubay ng Opisina ng Dekana, CSSP. Mapakikinggan ang programa tuwing Lunes, 6-7 ng gabi sa DZUP 1602 AM radio.

 

Page 1 of 3

Palma Hall, University of the Philippines Diliman, Quezon City | Telefax: (+63 2) 926 3486
Copyright 2014. All Rights Reserved.
College of Social Sciences and Philosophy | University of the Philippines Diliman