Vigilantism at Lipunang Pilipino

Matagumpay na naidaos ang ika-45 na episode ng programa sa radyo ng CSSP na Tabi-tabi Folkloradyo nitong ika-1 ng Agosto 2016. Pinangunahan ng mga host na sina Jean Franco at Andoy Evangelista ang naturang pagsasahimpapawid ng talakayan kasama ang mga panauhin na sina Teacher Kristina Talusan, Prop Hannah Nario-Lopez at Ginoong Gino. Kasama rin sa studio sina Pareng Kaloy at Pareng Dong.

Malaman at mabunga ang talakayan na sumentro sa obserbasyon na tila dumarami ang pinaniniwalaang biktima ng summary executions at paglaganap ng vigilantism sa lipunang Pilipino sa kasalukuyang panahon. Gayundin, sinubukan na isakonteksto ang mga pangyayaring ito sa pag-unawa sa kinagisnang at tradisyunal na pamamaraan ng katarungan at pagtatagisan nito sa Kanluraning konsepto ng batas at hustisya na siya namang nais palaganapin at pairalin sa isang demokratikong lipunan tulad ng sa Pilipinas. Pinag-usapan din ang malalim na ugat ng suliranin sa droga na lumikha na ng kultura ng korapsyon at sumira sa sistema ng pamamahala at kaayusan sa bayan. Nabanggit na marahil ang mga nagaganap sa kapaligiran ay sintomas ng malalim na suliranin ng bayan at pagkakataon din unawain kung paano kumikilos at nag-iisip ang bayan.

Ang Tabi-tabi Folkloradyo ay napakikinggan sa DZUP 1602 tuwing Lunes, 6-7 ng gabi. Umaabot ang pagsasahimpapawid nito sa buong NCR sa AM radio at sa buong mundo via live streaming.

 

Palma Hall, University of the Philippines Diliman, Quezon City | Telefax: (+63 2) 926 3486
Copyright 2014. All Rights Reserved.
College of Social Sciences and Philosophy | University of the Philippines Diliman